|
Sa sandaling marinig ang impormasyon na ang Mayo 21, 2011 ang Araw ng Paghuhukom, marami sa iglesia ang kaagad sasangguni sa taludtod sa Bibliya tulad ng:
Mateo 24:36 Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.
“Nakita na ninyo,” ang sinabi nila pagkatapos banggitin ang nasabing taludtod, “ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na walang sinumang tao ang maaaring makaalam.” Maaari rin nilang idagdag na, “Kahit si Hesus mismo ay hindi alam ang takdang oras; samakatwid, ang inyong petsang Mayo 21 ay mali.” Gaya ng madalas mangyari matapos magbigay ng dagliang pahayag at ipawalang-saysay ang mga impormasyon patungkol sa petsa ng pagwawakas ng mundo, ang taong ito ay magpapatuloy sa kanyang mga gawi nalulugod na ito ay hindi maaaring mangyari. “Sabagay,” naisip nila, “sinasabi sa Bibliya na hindi natin maaaring malaman ang takdang oras ng katapusan.”
Mangyari pa, kinikilala namin na ang taludtod na ito ay nasa Bibliya. Subalit, ang tanong ay: ang kabuuan ba ng Bibliya ay sang-ayon sa kuro-kuro na hindi natin maaaring malaman ang pagwawakas ng mundo? O kaya’y mayroon pa bang mga impormasyon mula sa Bibliya na nagpapahintulot sa bayan ng Diyos upang mabatid ang petsa ng katapusan ng mundo?
Una sa lahat, kailangan nating banggitin na si Hesu Kristo ay Diyos na Makapangyarihan. At sapagkat si Hesus ay Makapangyarihang Diyos, walang pag-aalinlangan na alam Niya kung kailan ang katapusan ng mundo.
Job 24:1 …ang takdang oras ay hindi lingid sa Makapangyarihan…*
*isinalin mula sa Ingles na Bibliya (KJV)
Ang layunin ng polyetong ito ay upang ipaliwanag mula sa Bibliya na sa sapagkat narating na natin ang mga huling araw sa kasaysayan ng mundo, ito ay (at palagi) layunin ng Diyos na ibunyag ang kaalaman mula sa Bibliya patungkol sa pagwawakas ng mundo, pati na rin ang wastong pagsasaoras nito. Halimbawa, makikita natin ang kaisipang ito sa sumusunod na taludtod sa Banal na Kasulatan:
Daniel 12:4 Nguni’t ikaw, Oh Daniel, isara mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan: marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.
Ayon sa taludtod na ito, isinara ng Diyos ang mga salita at tinatakan ang Aklat (ang Bibliya) hanggang sa oras ng pagwawakas. Sapagkat ang mga impormasyon sa Bibliya ay nasarhan, walang sinuman ang makakaalam ng pagsasaoras ng katapusan ng mundo. Subalit ang aklat ng Daniel 12:4 ay may matibay na pahiwatig na ang mga pantakip ay bubuksan sa sandaling sumapit ang takdang panahon. At gayundin, sa sandaling sumapit ang oras ng pagwawakas, “ang kaalaman ay lalago.” Ipinahahayag sa Mateo 24:36 na walang sinumang nakakaalam “kundi ang Aking Ama lamang.” Sa lahat ng oras ay alam ng Diyos ang pagsapit ng pagwawakas ng mundo. Sapagkat ang Diyos ang may akda ng Bibliya, hindi naging problema sa Kanya ang paglalagay ng impormasyong ito at ikubli ito sa Bibliya kung saan ito ay nanatiling lingid hanggang ang takdang panahon sa kasaysayan ay sumapit. Yayamang dumatal na tayo sa pagwawakas ng mundo, ibinubunyag na ng Diyos ang mga ito sa Kanyang bayan.
Kung makikipag-usap ka sa iyong pastor tungkol sa petsa ng Mayo 21, 2011 bilang Araw ng Paghuhukom, halos tiyak na siya ay salungat sa katotohanang ito. Kamangha-mangha kung gaano ang pagkakaisa ng mga simbahan sa pagpapahayag na "walang sinumang tao ang makakaalam ng araw o oras. " Subalit, hindi dapat maging panatag ang sinuman mula sa kanilang pinag-isang paninindigan sapagkat walang pag-aalinlangan, na ang mga iglesia sa kasalukuyang panahon ay lubhang nalugmok palayo sa katotohanan. Ang mga simbahan sa buong mundo ay hindi nagkakasang-ayon at nagtuturo taliwas sa isat-sa sa maraming paksa patungkol sa katuruan ng Bibliya (na nangangahulugan na may mga kamalian sa kanilang palagay). Samakatwid, hindi nararapat na magbigay ng kapanatagan ito sa mga iglesia upang sa wakas ay magkaroon sila ng pagkaka-isa ng mga kasunduan ukol sa puntong “walang sinumang tao ang makakaalam ng araw o oras.” Manapa, higit na dapat magdulot ito ng pangamba lalo na kung ating mauunawaan na sa ating kapanahunan ang kahatulan ng Diyos ay sa mga iglesia ng buong mundo dahilan sa kanilang kataksilan:
1 Pedro 4:17 Sapagka't dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios…
Ang kakila-kilabot na katotohanan ay ang Panginoon mismo ang tumalikod sa mga simbahan ng mundo. Ang Bibliya ay nagtuturo sa atin na ang kapanahunan ng iglesia ay nagwakas na (ito ay natapos noong 1988 A.D.). Nilisan ng Panginoon ang mga simbahan sa espirituwal na kadiliman. Hindi nila nauunawaan ang kakila-kilabot na katotohanan na tayo ay nasa huling hanganan na ng mundo. Malinaw na inilalarawan ng Panginoon ang mga espiritual na namumuno sa mga iglesia sa kasalukuyan sa Isaias:
Isaias 56:10-11 Ang kaniyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila'y hindi makatahol…ang mga ito ay mga pastor na hindi nangakakaunawa…
Ang Diyos mismo ay nagpapahiwatig na maraming mga tao na nagpapahayag ng paniniwala sa Kanya ay hindi makikita ang mga palatandaan ng babala sa darating na wakas. Ang Panginoon ay gumagamit ng mga anyo at uri ng Israel/Judah mula sa Lumang Tipan na sumasagisag sa mga kapisanan ng simbahan sa Bagong Tipan. Itinuturo sa Bibliya na ang Diyos ay galit sa bayan ng Judah sa Lumang Tipan at binalaan sila ng Kanyang hangarin na sila’y hatulan, ngunit hindi pinansin at binaliwala ng Judah ang mga babala hanggang sa sila’y malipol - labis na katulad sa ginagawa ng mga iglesia sa kasalukuyan:
Jeremias 8:7 Oo, nalalaman ng ciguena sa himpapawid ang kaniyang mga takdang kapanahunan; at ang bato bato at ang langaylangayan at ang tagak ay nangagmamalas ng panahon ng pagdating ng mga yaon; nguni't hindi nalalaman ng aking bayan ang alituntunin ng Panginoon.
Kasalukuyang nasa huling yugto, ang mga iglesia ng Bagong Tipan ay inuulit na muli ang mga kamalian na ginawa mula sa Lumang Tipan. Pinawalang-saysay nila ang mga babala ng Diyos (mula sa Bibliya), katulad na katulad ng pagwawalang bahala ng Israel sa mga babala ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na isinugo ng Panginoon sa kanila.
Ngayon na ang oras upang tunghayan ang iba pang mga impormasyon sa Bibliya na marahil ay hindi nais isaalang-alang ng iyong simbahan o pastor; subalit upang mapatunayan na maaari nating maalaman ang pagdating ng himakas, kailangan nating tingnan kung ano ang isinasaad ng iba pang bahagi ng Bibliya patungkol dito. Halimbawa, nagpapahayag ang Diyos sa aklat ng Amos, kabanata 3 ng ganito:
Amos 3:7 Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.
Sa espiritwal na pananalita, ang propeta ay sinuman na nagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ang isang mananampalataya, samakatwid, ay gumaganap ng kanyang tungkulin bilang isang propeta sa pagbabahagi ng Ebanghelyo sa ibang mga tao. Nilalahad ng Panginoon sa atin sa Amos 3:7 na ibinubunyag Niya ang kaalaman sa Kanyang mga tao. Sinasabi Niya na tunay ngang Siya’y “walang gagawin” nang hindi muna Nya ibubunyag “ang Kanyang mga lihim sa Kanyang mga lingkod.” Sa pagbabalik-aral sa kasaysayan ng Bibliya, tunay na makikita natin ang mahalagang katotohanang ito na pinagtitibay muli at muli.
Tunghayan natin ang baha sa panahon ni Noe:
Genesis 6:3,5,7 At sinabi ng Panginoon…magiging isang daan at dalawang pung taon ang kaniyang mga araw…At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati… At sinabi ng Panginoon, Lilipulin ko ang tao…
Sa salaysay na ito, nakita natin na binigyan ng Diyos ang mundo ng 120 taon bago Niya puksain ito. Kinakailangan ang ganitong haba ng panahon nang hinirang ng Panginoon si Noe upang magtayo ng daong at ganapin ang gawain ng pagbibigay ng babala sa loob ng 120 taon. Ang Bibliya ay kinikilala si Noe bilang “tagapangaral ng katuwiran” (2 Pedro 2:5). Ang paggawa niya ng daong sa loob ng mahabang panahong yaon ay tiyak na hindi nalingid. Ang pagtatayo ng daong ay kahanga-hangang patotoo ng pananampalataya sa Diyos, at ang pagkakaroon at pagbuo ng daong gayun din ay nagsilbing patuloy na paggagawad ng parusa sa mundo mismo:
Hebreo 11:7 Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan; na sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanglibutan, at naging tagapagmana ng katuwiran…
Diyan sa ika-120 taon (4990 B.C.) nang ang Panginoon ay minsan pang nagbigay kay Noe ng kabatiran patungkol sa pagsasaoras ng pagdating na baha. Lamang sa pagkakataong ito, nagbigay ang Diyos ng napaka-tiyak na impormasyon. Hindi kapani-paniwala, bago pa man mangyari ang baha, sinabi na ng Diyos kay Noe ang tiyak na taon, buwan at araw ng pagdating ng malaking baha:
Genesis 7:1,4,10-11 11 At sinabi ng Panginoon kay Noe…sapagka't pitong araw pa, at pauulanan ko na ang ibabaw ng lupa ng apat na pung araw at apat na pung gabi…At nangyari na pagkaraan ng pitong araw, na ang tubig ng baha ay umapaw sa ibabaw ng lupa. Sa ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, nang ikalawang buwan, sa ikalabing pitong araw ng buwan…
Ito ay hindi pagkakataon na sa ating kasalukuyang panahon batid ng mga tao ng Diyos na ang katapusan ay darating sa taong 2011 (ganap na 7,000 taon pagkatapos ng baha), sa buwan ng Mayo, at sa ika-21 araw. Ito ay ganap na kahintulad ng sinabi ng Panginoon kay Noe. Tandaan rin na ang Mayo 21 sa 2011 ay ang ika-17 araw ng pangalawang buwan sa talaarawang Hebreo, ang katumbas na petsa kung kailan nagsimula ang baha at nang sarhan ng Panginoon si Noe at ang kanyang pamilya sa loob ng arko. Gayun din, nararapat nating tandaan na tinutukoy ni Hesus ang baha bilang halimbawa ng kanyang sariling pagdating:
Mateo 24:38-39 Sapagka't gaya ng mga araw bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.
Ang pagdating ni Kristo ay kaparis noong panahon ni Noe. Ang katanungan ng sinumang matapat na nagsasaliksik ng katotohanan sa kasalukuyan ay: mayroon bang nakakaalam patungkol sa papalapit na baha bago pa man ito dumating? O kaya’y, wala bang taong nakakaalam ng araw o pagsasaoras ng baha? Ang kasagutan ng Bibliya ay: oo, batid ng mga tao ng Diyos. Alam ni Noe. Alam ng asawa ni Noe. Alam rin maging ng tatlong anak na lalaki ni Noe at ng kanilang mga asawa. Alam rin ng mundo sa palibot nila ang tungkol sa baha sapagkat si Noe ay isang mangangaral. Gayunman, nang walang alinlangan, nilibak nila si Noe bilang isang baliw. Dahil dito, silang lahat ay nangamatay sa baha. Ang pinakamahalagang punto na isinasaad ng Bibliya ay ang lahat ng uri ng mga tao ay napakinggan ang babala na ipinahatid ng Diyos, ngunit tanging ang Kanyang mga hinirang lamang ang tumugon at kumilos patungkol dito. Kaya nga, hinggil sa kakila-kilabot na dami ng mga nangamatay sa baha ng panahon ni Noe, mahalagang tingnang mabuti ang taludtod na ito:
2 Pedro 2:5 At ang dating sanglibutan ay hindi pinatawad, datapuwa't iningatan si Noe na tagapangaral ng katuwiran na kasama ng ibang pito pa, noong dalhin ang pagkagunaw sa sanglibutan ng masasama;
Binigyang-diin ng Panginoon na ang baha ng panahon ni Noe ay pumuksa sa lahat ng tao na “masasama”.
Ito ay lubhang mahalagang katotohanan. Lahat ng bayan ng Diyos (mga ligtas) ay binigyang-kaalaman patungkol sa baha at iniligtas mula sa kamatayan. Bawat isa sa mga matuwid ay nakakaalam na ito ay paparating at nakapasok sa arka, kasama ni Noe. Makatitiyak tayo na binigyang babala rin ng Diyos ang iba pang mga tao sa mundo ng panahon ni Noe, subalit hindi sila nanalig sa mga ipinahayag ni Noe sa kanila. Samakatwid, makikita natin ang tuntunin ng Bibliya na ipinahayag sa Amos 3:7. Nagbigay ng babala ang Panginoon sa Kanyang bayan. Narinig rin ito ng iba pang mga mga tao sa buong mundo, ngunit sa huli’y hindi pinansin ang mga babala ng Diyos. Bilang resulta nito, silang lahat ay nangamatay ng hindi nila inaasahan. Ito ang dahilan kung kaya sinasabi sa Bibliya na si Kristo ay darating gaya ng “magnanakaw sa gabi”.
Ang katotohanan na nagbabala ang Diyos kay Noe at sa kanyang pamilya, batay lamang dito, ay marapat na magbunsod sa atin upang huminto panandali at mapagtanto na gayundin naman na ihahayag ng Panginoon ang pagsasaoras ng wakas bago sumapit ang Araw ng Paghuhukom. Gayunman, napakarami pa tayong dapat isaalang-alang patungkol sa pagkilos ng Diyos sa kasaysayan ng Bibliya.
Tunghayan natin ang pagkawasak ng Sodoma at Gomorra. Bago mawasak ang bayan ng Sodoma at Gomorra, binisita ng Panginoon si Abraham at ibinunyag ang Kanyang plano ng paghuhukom sa mga lunsod na yaon. Makabuluhang mababasa natin na:
Genesis 18:16-17 …nangagtindig doon ang mga lalake, at nangagsitingin sa dakong Sodoma…At sinabi ng Panginoon, Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin…
Hindi inilihim ng Diyos ang Kanyang planong pagwasak ng Sodoma mula kay Abraham. Inisip ng Panginoon na mabuting ibahagi ang kabatirang ito sa Kanyang lingkod. Nang kanyang mabatid, nagsimula si Abraham na mamagitan (manalangin) para sa mga makatuwiran sa loob ng bayang yaon. Ang pamangkin na lalaki ni Abraham na si Lot ay nakatira sa Sodoma. Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Lot ay matuwid na tao (ibig sabihin, iniligtas siya ng Diyos at ginawang matuwid sa pamamagitan ni Kristo—tingnan ang 2 Peter 2:7-8).
Hindi maaaring lipulin ng Diyos ang mga matutuwid kasama ng mga masasama. Kaya kailangang kumilos ang Panginoon. Binigyan ng Diyos si Lot ng babala patungkol sa parating na paghuhukom:
Genesis 19:12-13 At sinabi ng mga lalake kay Lot, Mayroon ka pa ritong kamaganakan? Ang iyong mga manugang, at ang iyong mga anak na lalake at babae…ay ipagaalis mo sa dakong ito: Sapagka't aming lilipulin ang dakong ito…kami ay sinugo ng Panginoon upang aming lipulin.
Nakaligtas si Lot at ang ilang miyembro ng kanyang pamilya sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra dahil ang Panginoon mismo ay nagbigay sa kanya ng paunang babala, kabatiran na tinangkang ibahagi ni Lot sa kanyang mga manugang na lalaki ngunit hindi nila ito tinanggap ng taimtim (Genesis 19:14). Dapat rin nating isaalang-alang na sinasabi ni Hesus na ang Kanyang pagdating ay katulad ng sa panahon ni Lot:
Lukas 17:28-30 Gayon din naman kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot; sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nagsisibili, sila'y nangagbibili, sila'y nangagtatanim, sila'y nangagtatayo ng bahay. Datapuwa't nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, ay umulan mula sa langit ng apoy at asupre, at nilipol silang lahat: Gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag.
Ang katotohan ay noong panahon ni Lot, ang Diyos ay nagbigay ng paunang babala sa Kanyang bayan patungkol sa kakila-kilabot na paghuhukom sa Sodoma. Gayundin, ang mga iba rin na binigyan ng babala ay hindi gumawa ng aksiyon sa paunang kaalaman na ibinigay sa kanila. Ang katunayan ayon sa kasaysayan na nagbigay ang Diyos ng paunang babala kina Abraham at Lot minsan pa ay nagpapatotoo na ang Panginoon, gayundin, ay ibubunyag pagsasaoras ng wakas bago sumapit ang Araw ng Paghuhukom, gayunman, marami pa rin dapat isaalang-alang mula sa Banal na Kasulatan.
Maraming nagpapahayag bilang mga Kristiyano ay may maling paniniwala na si Hesus ay darating ng “gaya ng magnanakaw” upang pagpalain sila at pagkatapos ay ibigay sa kanila ang gantimpala na buhay na walang hanggan. Nguni’t saan kaya nila nakuha ang pag-aakala na ang isang magnanakaw ay darating upang magdala ng biyaya? Sinasabi sa atin ng Bibliya ng tiyakan kung ano ang gagawin ng isang magnanakaw sa kanyang pagdating:
Juan 10:10 Hindi pumaparito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa…
Si Hesus ay hindi darating ng biglaan gaya ng isang magnanakaw para sa Kanyang mga hinirang na bayan (kumakatawan sa pamamagitan nila Noe, Abraham, Lot, atbp), subalit Siya ay darating gaya ng isang magnanakaw para sa lahat ng mga hindi ligtas sa mundo:
1 Tesalonica 5:2-3 Sapagka't kayo rin ang mga lubos na nangakakaalam, na ang pagdating ng kaarawan ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi. Pagka sinasabi ng mga tao, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan.
Dahil sa inilalarawan ng Panginoon ang “biglaang pagkawasak” na darating sa kanila at ipinahahayag na “sila’y hindi mangakatatanan sa anomang paraan,” malinaw na ang mga “masasama” ang tinutukoy. Ito ay para sa kanila kung saan si Kristo ay darating ng “gaya ng isang magnanakaw” upang pumatay at pumuksa. Datapwa’t pansinin ang susunod na taludtod:
1 Tesalonica 5:4 Nguni't kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw.
Walang alinlangan, makikita natin na ang bayan ng Diyos ay hindi magugulat. Paanong mangyayari ito samantalang ang Diyos ay hindi gagawa ng anomang bagay na hindi nagbibigay ng paunang babala sa Kanyang bayan? Ang Diyos ay nagbigay ng babala kay Noe. Ang Diyos ay nagbigay ng babala kay Abraham. Ang Diyos ay nagbigay ng babala kay Lot. Papaanong iisipin ng sinuman na ang Diyos ay magbibigay ng babala sa mga higit na maliit na uri ng Araw ng Paghuhukom at hindi tumalima sa kanyang sariling kagawian at magbigay ng babala sa mundo na binubuo ng 7 bilyong kaluluwa na nabubuhay sa panahon ng mismong Araw ng Paghuhukom? Dagdag pa rito, nakita natin na nag-utos si Hesus sa lahat upang “mangagpuyat” o mangag-abang sapagkat hindi nila nalalaman kung ano ang oras ng Kayang pagdating. Si Kristo ay darating gaya ng isang magnanakaw para lamang doon sa mga hindi nagpupuyat o hindi nag-aabang:
Pahayag 3:3 …Kaya't kung hindi ka magpupuyat ay paririyan akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan ako sa iyo.
Kaya nga, ipinag-uutos ni Kristo sa mga tunay na mananampalataya na patuloy na magsaliksik (magbantay) sa Bibliya. Ang Kanyang mga tao ay nararapat na patuloy na mag-aral ng Salita ng Diyos. Ito ay sa dahilang sa karampatang panahon ay imumulat Niya ang ating mga mata upang maunawaan ang mga salita na natatakan. Sapagka’t sinuman na nagsasaliksik ay nauunawaan ang mga ito, si Kristo ay darating na hindi gaya ng “magnanakaw sa gabi” para sa kanila. Si Hesus ay darating “gaya ng magnanakaw” tangi para sa mga iyon na iginigiit na hindi natin maaring malaman ang pagsasaoras ng pagdating ni Kristo. Sa kanilang pagpipilit na hindi maaaring malaman ang takdang oras, ang mga iglesia ay nagpapahiwatig na sila ay nasa kadiliman at walang tangka na magbantay. Lubhang nakamamatay para sa sinuman na igiit na hindi natin maaaring malaman ang pagsasaoras ng wakas. Ito ay sapagkat sa sandaling sumapit ang pagdating Hesus, ito ay gaya ng “isang magnanakaw” at pagkaraka sila’y pupuksain at hindi makatatakas sa kakila-kilabot na paghuhukom ng Diyos. Ang lahat ng ito ay lubhang nakalulungkot; gayunman, ang Panginoon ay nagkakaloob sa atin ng matibay na lakas ng loob sa pamamagitan ng halimbawa sa Bibliya ng mga Ninivita. Narinig rin ng mga mamamayan ng Ninive ang babala ng Diyos patungkol sa papalapit na paghuhukom.
Isinugo ng Diyos ang propetang si Jonas upang maghatid ng kagila-gilalas na mensahe na naglalaman ng isang pangungusap:
Jonas 3:4 …si Jonas ay sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.
Ito ay binubuo lamang ng ilang mga salita! Yaon ang buong mensahe nang si Jonas ay pag-utusan ng Diyos na ihatid sa mga naninirahan sa Ninive. Isang mensahe na naglalaman ng dalawang sangkap: oras (40 araw) at paghuhukom (mawawasak). Mangyari pa, ang tunay na kasaysayang ito nang isugo ng Diyos si Jonas upang magbabala sa mga taga Ninive ay nagbibigay-diin, minsan pa, sa kagawian ng Diyos sa Bibliya ng pagbibigay ng babala sa mga tao bago Siya magpataw ng Kanyang matinding poot sa kanila. Lubos na kahanga-hanga ang makikita natin sa susunod na taludtod:
Jonas 3:5 At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios…
Tunghayan natin ito mula sa pananaw ng tao. Ang mga Ninivita ay mula sa Asiria. Si Jonas ay hindi mula sa Asiria. Hindi katutubo sa kanya ang pagsasalita ng kanilang wika. Siya ay hindi lamang mula sa ibang bansa, ito ay kaaway na bansa. Pagdaka itong kakaibang dayuhan ay humantad na nagpapahayag, “Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.”
Ano kaya ang maaari nating isipin na naging tugon ng mga taga Ninive sa halip, tulad ng pang-uuyam, o pagtatawa, o lubusang hindi naniwala? Sa ating makabagong mundo, maaari nating isipin na, “Tanging ang taong mangmang na madaling malinlang ang maniniwala sa ganitong pagpapayahag!” Oo, madali tayong makakapag-isip ng maraming dahilan sa ngayon kung bakit ang isang tao ay hindi maniniwala sa isang bagay na katawa-tawa, subalit ang mga taga Ninivita ay sumampalataya. Ano kaya ang naging dahilan upang mapaniwala ang mga Ninivita na itong kakila-kilabot na balita ay totoo at tunay na mula sa Diyos? Tiyak na hindi ito dahil sa dami ng mga katibayan. Si Jonas ay hindi dumating doon dala ang encyclopedia ng mga pag-aaral ng katuruan mula sa Bibliya at inilatag ang mga ito sa pintuan ng lungsod ng Nineve. Hindi! Nagpahayag lamang siya ng isang pangungusap - ang pinakamarupok na katibayan-gayunman sila’y sumampalataya:
Mateo 12:41 Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas…
Sa pagkakataong ito ay narining na ninyo ang tungkol sa Sabado, Mayo 21, 2011 na syang Araw ng Paghuhukom. Marahil ay marami na kayong narining na katibayan mula sa Bibliya; gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo sumasampalataya sa Diyos. Nangangailangan pa ba kayo ng marami pang pagpapatunay? Ang mga Ninivita ay hindi nakaranas ng pagdagsa ng mga kaalaman na tinatamasa natin ngayon. Mayroon lamang silang kakaunting taludtod mula sa Banal na Kasulatan upang magpatuloy. Sa kasalukuyan, may kakayahan tayo na magbigay ng maraming impormasyon mula mismo sa Bibliya. (Para sa mga karagdagang impormasyon patungkol sa pagsapit ng Araw ng Paghuhukom sa Mayo 21, 2011, bagaman walang kaugnayan sa Family Radio, ang EBF ay inirerekumenda ang kanilang libreng aklat, “Halos Naroon Na Tayo!” Sumulat sa: Family Radio, Oakland, CA 94621 USA o basahin online: www.familyradio.com ). Gayunman, ang dagsa ng mga impormasyon ay hindi makahihikayat sa sinuman. Inilahad ito ni Hesus nang sinabi Niya na:
Juan 8:47 Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios.
Pakiusap na bigyan ng masusing pansin ang kanilang kataimtiman kung saan ang mga Ninivita ay sumampalataya sa Diyos at kaagad kumilos sa sandaling iyon:
Jonas 3:6-8 At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya'y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo… na sinasabi…mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa't isa ang kaniyang masamang lakad…
Sa ating pagsisiyasat sa kasaysayan sa Bibliya, natunghayan natin kung paano paulit-ulit ipinagbigay-alam ng Diyos sa Kanyang bayan ang papalapit na panahon ng paghuhukom bago ito ganap na mangyari. Ito ay naaayon sa buong kasaysayan ng Bibliya kaya ito ay tiyak na maaaring sabihin na isang tuntunin sa Bibliya, ayon sa sinasabi ng Amos 3:7, “Ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod.”
Sa Bibliya, hinati ng Panginoon ang sangkatauhan sa dalawang kalipunan. Tinuturing Niya ang Kanyang mga iniligtas bilang mga “pantas” at ang mga hindi Niya iniligtas bilang mga “mangmang.” Inilalarawan rin Niya ang mga ito bilang mga “matutuwid” o mga “masasama.” Ang kaibhan ng dalawang ito ay walang kinalaman sa anumang uri ng katalinuhan o karunungan o kahusayan ng tao. Samakatuwid, ang isa ay pantas (at ipinahayag na matuwid) kung iniligtas sila ng Diyos at binigyan sila ng Espiritu ni Kristo. Yaong mga hindi iniligtas ay gaya ng mga mangmang o masasama sapagkat wala sa kanila ang Espiritu ni Kristo (Karunungan). Kung ating laging isasa-isip ang pakahulugan ng Bibliya sa karunungan, makatutulong ito ng husto upang maunawaan ang sumusunod na talutod:
Daniel 12:9-10 …Yumaon ka ng iyong lakad, Daniel; sapagka't ang mga salita ay nasarhan at natatakan hanggang sa panahon ng kawakasan…wala sa masasama na makakaunawa; nguni't silang pantas ay mangakakaunawa.
Tunay nga, nilayun ng Diyos na ipinid ang Kanyang Salita (ang Bibliya) hanggang sa oras ng pagwawakas. Gayunman, pansinin na tinuran ng Panginoon kung paanong “wala sa sinumang mga masasama” ang makauunawa. Makakaunawa ng ano? Tunay nga, ang Kanyang tinutukoy ay ang pagkaunawa sa Salita ng Diyos na bubuksan sa oras ng pagwawakas. Walang isa man sa mga hindi ligtas ang makakaunawa ng mga bagay na ito, na tulad ng mga tao sa mundo noong kapanahunan ni Noe na hindi nagsaalang-alang ng babala ng baha at katulad ng mga manugang na lalaki ni Lot na nagwalang bahala sa babalang ipinahayag sa kanila upang lisanin ang lungsod. Gayun din naman sa kasalukuyan, wala isa man sa mga hindi ligtas ang nakakaunawa; subalit, “ang mga pantas” ay makakaunawa. Ang mga “pantas” ay nakakaunawa dahil lamang sa dakilang habag ng Panginoon. Ipinahahayag ng Panginoon ang katotohanang ito minsan pa sa mga kahanga-hangang taludtod na ito:
Mangangaral 8:5 …at ang puso ng pantas ay nagbubulay ng panahon at kahatulan.
Mga Kawikaan 28:5 Ang masasamang tao ay hindi nangakakaunawa ng kahatulan: nguni't silang nagsisihanap sa Panginoon ay nangakakaunawa sa lahat ng mga bagay.
Sa pagwawakas, alam man natin o hindi na ang Mayo 21 sa 2011 ay ang Araw ng Paghuhukom ay nakasalalay sa kung binuksan o hindi ng Diyos ang ating mga mata upang maunawaan ang mga bagay na ito. Kung ito’y ginawa Niya, maaari nating malaman na ang Mayo 21, 2011 ay ang Araw ng Matinding Poot ng Panginoon. Kung hindi Niya binuksan ang ating mga mata, kung gayun ay hindi natin malalaman. Sinasabi sa atin ng Bibliya na karamihan ng mga tao sa mundo ay hindi hinirang sa kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit si Kristo ay darating ng hindi inaasahan para sa bilyong mga tao. Hindi nila nauunawaan ang mga espiritwal na bagay. Sapagkat hindi sila nagkaroon ng Espiritu ng Diyos, hindi nila tatanggapin ang babala at hindi nila mauunawaan. Nakalulungkot, sila ay tiyak na mapupuksa:
Ezekiel 33:4-5 Sinoman ngang makarinig ng tunog ng pakakak, at hindi pinansin kung ang tabak ay dumating at dalhin siya, ang kaniyang dugo ay mapapasa kaniyang sariling ulo… sapagka't kung siya'y pumansin ay kaniyang nailigtas sana ang kaniyang buhay.
Naalaman ng mga bayan ng Diyos (katulad ng mga Ninivita) na ang mga petsang ito ay tumpak at mapagkakatiwalaan dahil lamang ang mga impormasyong ito ay mula mismo sa Bibliya. Maraming tao ang magtitiwala sa kanilang mga iglesia o kanilang mga pastor na titiyakin sa kanila na wala silang dapat ikabalisa patungkol sa anumang petsa. Ngunit wala sa mga bagay na ito ang mapagkakatiwalaan. Ang katotohanan ay tanging ang Bibliya ang mapagkakatiwalaan sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit, habang tayo ay papalapit sa petsang Mayo 21, 2011, ang malaking tanong para sa bawat isang tao ay, “Nagtitiwala ka ba sa Bibliya o may iba kang pinagtitiwalaan?”
Mga Kawikaan 3:5 Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.
Mag Awit 119:42 …sapagka't ako'y tumitiwala sa iyong salita.
Bisitahin kami sa Internet:
Email: ebiblefellowship@juno.com
Tumawag sa EBF ng walang bayad sa numerong ito: 1-877-897-6222 (sa loob lamang ng USA).
Sumulat din sa:
EBible Fellowship, P.O. Box 1393, Sharon Hill, PA 19079 USA
Mga Gawa 17:30-31 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako: Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga…
WeCanKnow.1.18.2010a-Tagalog